NAKATAKDANG lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang isang executive order na magtatakda na ang mga lupang nakatiwangwang na pagmamamay-ari ng gobyerno ay ilaan para sa mga proyektong pabahay ng kanyang administrasyon.
Makikipagpulong si FM Jr., sa mga banko at financial institutions upang tulungan ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na makamit ang target na pagtatayo ng isang milyong housing units kada taon o anim na milyong bahay sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
“The EO will implement Section 24 of Republic Act No. 11201, which mandates several government agencies to jointly identify idle state lands suitable for housing and rural development,” ayon sa kalatas ng Office of the Press Secretary (OPS).
Magsasagawa ng imbentaryo ang DHSUD, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Land Registration Authority (LRA) upang tukuyin ang mga naturang lupain na tinatayang aabot sa mahigit 16,000 ektarya na gagamitin para sa socialized housing. (ROSE NOVENARIO)