MULING kinilala ang tuloy-tuloy at katangi-tanging kahusayan ng Bulacan sa pagkolekta ng lokal na kita sa ilalim ng administrasyon ni Gob. Daniel Fernando sa paggawad ng Department of Finance – Bureau of Local Government Finance (DOF-BLGF) ng parangal na Hall of Fame para sa Local Revenue Generation sa ginanap na Awarding Ceremony sa Philippine International Convention Center, sa Pasay City, noong Biyernes, 28 Oktubre.
Nakamit ito ng lalawigan makaraang makuha ang pang-apat na puwesto noong 2018, ika-lima noong 2019, at unang puwesto noong 2020 kaugnay ng Highest Locally Sourced Revenues.
Samantala, para sa taong 2021, nakamit ng lalawigan ang ikalawang puwesto sa lahat ng lalawigan sa bansa kaugnay ng Highest Locally Sourced Revenues, at ika-siyam sa Collection Efficiency of Locally Sourced Revenues, na tinanggap ni Fernando kasama sina Bise Gob. Alexis C. Castro at Panlalawigang Ingat-Yaman Abgd. Maria Teresa L. Camacho sa kaparehong awarding ceremony.
Nagpasalamat si Fernando sa BLGF sa pagkilala at sa mga Bulakenyo sa pagganap ng kanilang bahagi at sinabi na ang kanilang mga buwis ay gagamitin upang pondohan ang mga programa at proyektong pangkaunlaran upang mapaganda ang kalidad ng buhay sa bawat Filipino.
“Tayo po ay nagagalak sa sunod-sunod na parangal na ating nakakamit para sa lalawigan ng Bulacan. Nakatutuwa pong isipin na hindi nawawalan ng saysay ang ating mga pagsisikap. Umasa po tayo na ang bawat parangal na ating tatanggapin ay gagamitin natin upang lalong pagbutihin ang pagbibigay-serbisyo sa ating mga minamahal na Bulakenyo,” anang gobernador.
Sinabi ni BLGF Deputy Executive Director Flosie Fanlo-Tayag, pinagtitibay ng mga lokal na ingat-yaman at lokal na pamahalaan ang kanilang pangako na katangi-tanging serbisyo-publiko, transparency, at katapatan sa pamamagitan ng pagsisimula ng propesyonalisasyon sa lokal na pananalapi at mahuhusay na kasanayan sa lokal na revenue generation.
“Believe. Believe in what you have learned. Believe that you can empower. Believe in yourself that you can surpass it all. Let’s all maintain the passion, zeal and humility towards achieving great things for local finance and the Filipino people,” ani Tayag. (MICKA BAUTISTA)