ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PATULOY sa kanyang singing career, pati sa pag-aaral ng musika ang talented na recording artist na si Erika Mae Salas.
Siya ay nag-aaral ng Music Theater sa UST Conservatory of Music. Every Sunday ay mapapanood din siya sa Erika’s Acoustic, Live sa kanyang FB page at sa Tiktok.
Ang last na nai-record niyang digital song ay Ako Nga Ba na release sa Viva Records. Plano nilang sundan ito kapag maluwag na ang schedule ng magandang singer/actress.
“Biyahe ng Puso po ang next, pero inaayos pa po. Hopefully next year po kapag medyo hindi hectic ang sched ko,” nakangiting sambit ni Erika Mae.
Nabanggit niyang naka-focus siya ngayon sa kanyang pag-aaral.
Aniya, “Sa ngayon po, masasabi kong siguro mas pinapaigi ko lang talaga ‘yung craft ko, since third year college na po ako, since, in line po sa music career ko ang pinag-aaralan ko.
“Medyo nabago po ang style ko sa pag-aaral ko, kasi ‘yung professor ko po, minsan ay ayaw niya pong kumakanta ako ng pop, dapat po ay classical. And iba po e, ayaw nilang ginagamit ang vocal chords sa pagkanta, dapat ay sa diaphragm daw po,” esplika niya hinggil sa mga pagbabago sa kanyang studies.
Kapag naka-graduate sa UST, ito naman daw ang plano niyang gawin.
“Kapag naka-graduate na po sa Conservatory, ang plano ko po ay mag-audition nang mag-audition,” nakangiting wika niya.
Dagdag ng dalaga, “Tapos, if ever po, kasi sa amin po, uso sa amin na after mag-graduate ay magma-Master naman po sila sa ibang bansa. So, puwede rin pong gawin ko iyon.”
Masaya rin si Erika Mae na naging bahagi siya ng pelikulang Mamasapano na pasok sa gaganaping Metro Manila Film Festival 2022.
“Opo, kasama ako roon sa movie na Mamasapano, naging extra, hehehe. Isa po akong reporter doon…
“Sobrang saya ko po na napasali ako sa movie na iyon. Kasi iconic po talaga ‘yung Mamasapano. So abangan po nila ito, excited nga po ako na nakapasok ito sa Metro Manila Film Festival.”
Ang Mamasapano ay hinggil sa kabayanihan ng SAF 44 na nagbuwis ng buhay para sa isang mahalagang misyon. Ito ay mula sa Borracho Film Productions ni Atty. Ferdie Topacio. Tampok dito sina Edu Manzano, Gerald Santos, Aljur Abrenica, Paolo Gumabao, at ba pa.
Ang isa naman sa wishes ng online sensation sa kanyang 21st birthday last October 21 ay maka-collab ang kanyang idol na si Sarah Geronimo.
Lahad niya, “Lagi ko pong sinasabi ito, si Ms. Sarah Geronimo po, kasi po ay nasa kanya na ang lahat, e. Magaling siyang kumanta, mag-act, sumayaw, pati hosting po. Idol na idol ko na po talaga siya, bata pa lang ako.”
Bukod sa kanyang pag-aaral at career and health nila ng buong pamilya niya, ang birthday wish ni Erika Mae ay, “Sana po ay sama-sama pa rin tayo next year. Tapos ay ang success po nating lahat,” pakli ni Erika Mae.