SA KULUNGAN nahimasmasan ang lasing na mekaniko matapos pagbantaan at tutukan ng baril ang isang babaeng vendor na kanyang hinimas ang mga hita sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Christopher Rafael, 41 anyos, ng Poblacion, nagpakilalang mekaniko, residente sa Brgy. Loma Degato, Marilao, Bulacan
Batay sa pinagsamang ulat nina police staff sergeants Mardelio Osting at Diego Ngippol, kapwa may hawak ng kaso, dakong 10:30 pm nang maganap ang panghihipo sa biktimang itinago sa pangalang Jane, 39 anyos, sa harap ng ice cream store sa Paradise Village, Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod.
Lumapit umano ang suspek na si Rafael at biglang pinanggigilan ang hita ng biktima na nakasuot ng maikling shorts.
Agad pumalag ang biktima ngunit biglang bumunot ng baril ang suspek saka itinutok sa hinipuan.
Nakatawag agad ang mga kapitbahay ng biktima sa mga tauhan ng Sub-Station 5 na sina P/Cpl. Romel Fader at P/Cpl. Johnny Hobi, Jr., at agad inaresto ang suspek.
Nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 pistola, may magazine, at kargado ng apat na bala.
Ani Col. Barot, walang naipakitang kaukulang dokumento para sa naturang baril at mmga bala nito ang suspek nang hanapan ng mga pulis.
Kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, Acts of Lasciviousness at Grave Threat ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)