NAG-CUTTING CALSSES at humantong sa kulungan ang ‘adventure’ ng dalawang binatilyong estudyante nang mahulihan ng hihithitin sanang marijuana sa loob ng isang parke sa Quezon City, Lunes ng hapon.
Sa report ng Kamuning Police Station (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 12: 40 pm nitong Lunes, 24 Oktubre nang maaresto ang dalawang estudyante na parehong 15-anyos, sa Fitness Trail, Quezon City Memorial Circle, Brgy. Central, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Cliff Richard Delos Santos ng PS-10, nagsasagawa ng roving patrol ang guwardiyang kinilalang si Jeffrey Espares sa bisinidad nang maispatan ang dalawang binatilyo na abala sa kanilang ibinabalot sa papel.
Nang lapitan ang mga binatilyo ng guwardiya ay saka nito nalaman na marijuana ang inirorolyo na parang sigarilyo ng mga suspek dahilan upang agad silang arestohin para dalhin sa himpilan ng pulisya.
Nabatid na nag-cutting classes ang dalawang estudyante at tumambay sa QC Circle, na hinihinalang doon isinasagawa ang paghitit ng marijuana.
Nakompiska mula sa mga suspek ang halos dalawang gramo bukod pa sa 0.3 grams ng dahon ng marijuana na nakabalot sa dalawang papel.
Inihahanda ang kasong paglabag sa Sec 11, Art II ng RA 1965 laban sa dalawang estudyante. (ALMAR DANGUILAN)