IDARAOS ngayong Lunes, 24 Oktubre, ang ika-399 taon pagkakatatag ng bayan ng Angat, sa lalawigan ng Bulacan na katatampukan ng mga programang isasagawa sa kanilang munisipyo at simbahan sa pangunguna ni Mayor Jowar Bautista.
Unang naging matagumpay ang inilunsad na Himig ng GulayAngat Festival Song Writing Competition noong 16 Oktubre, sa Greenfields Resort, Brgy. Binagbag, Angat.
Kasabay nito, idinaos ang Pre-Pageant para sa Lakan at Lakambini ng GulayAngat 2022, kung saan ipinamalas ng mga kandidato ang kanilang talent at pagrampa nang naka-swimwear.
Nakapaloob ang mga aktibidad na ito sa pagdiriwang ng Ika-339 Taong Pagkakatatag ng Angat, pormal na binuksan noong 21 Oktubre sa pamamagitan ng Caravan mula sa Brgy. Niugan hanggang sa municipal gymnasium.
Idinaos ang Laro ng Laking Gulayan 2022 na ginanap sa Matias A. Fernando Memorial School at Hapag ng Pamana-Gulayan Cooking Contest sa Municipal Evacuation Center.
Hinikayat ni Mayor Bautista ang bawat Angatenyo na sumuporta at makiisa sa makasaysayang pagdiriwang ngayong araw, tampok ang Indakan sa Gulayan at 2022 sa Gabe Supermarket Compound-Municipal Gym; Misa ng Pasasalamat sa Sta. Monica Parish Church; at palatuntunan ng kulminasyon ng pagdiriwang sa Angat Municipal Ground. (MICKA BAUTISTA)