NAHULOG sa kamay ng mga awtoridad ang isang babaeng matagal nang pinaghahanap ng batas kaugnay ng mga kasong kinakaharap sa hukuman na kanyang pinagtataguan sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 19 Oktubre.
Kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, na si Marichu Vivas, residente sa Brgy. San Pablo, Hagonoy, nakatalang most wanted person sa municipal level ng Baliwag.
Dinakip si Vivas sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Bulihan, sa nabanggit na lungsod, dakong 4:10 pm noong Martes ng tracker team ng Malolos CPS katuwang ang 301st MC RMFB3.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest, sa kasong paglabag sa BP 22 (Bouncing Check Law 2 counts) na nilagdaan ni Presiding Judge Mario Pocholo Maceda Telan ng Baliuag Metropolitan Trial Court.
Kaugnay nito, nagsilbi ang mga operatiba ng Hagonoy MPS ng warrant of arrest laban sa parehong akusado para sa limang bilang ng kasong paglabag sa BP 22 na inilabas ni Presiding Judge Khrystynn Cyd Rhia De Leon-Garcia, ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 134. (MICKA BAUTISTA)