HATAWAN
ni Ed de Leon
SINASABI ni FDCP Chairman Tirso Cruz III, na dapat maibalik ang mga pelikulang Filipino sa mga sinehan. Eh alam naman siguro ni Tito Pip kung paanong magagawa iyan. Gumawa tayo ulit ng magagandang pelikula. Habang ang mga producer ay iginigiit ang mga low budget films na puro sex, paano tayo makababalik sa sinehan?
Ang kailangan ay makahimok tayo ng mga bagong investors na gagawa ng mahuhusay na pelikula. Marami kasing major producers ang nawala sa atin. Ilang pelikula nga ba ang ginagawa ng Star Cinema, pero dahil nasara na rin ang mother company nilang ABS-CBN, pilay na rin sila. Ang kailangan ngayon mga bagong investors na matino, at sa tingin namin makukumbinsi lang nila ang bagong investor na matino kung may maiaalok silang tax incentives. Maaaring alisin na iyang EVAT sa admission prices ng sinehan, dahil katakot-takot na EVat na ang kinita ng gobyerno sa raw materials pa lang ng pelikula. Kung gagawin kasi iyon, bababa ang admission prices ng sinehan at mas dadami ang nanonood ng sine. Eh ngayon ang mahal eh, apat na kilong asukal o walong kilong bigas ang katapat ng isang admission ticket sa sine.
Sino papasok? Maghihintay na lang iyan ng pirated.
Alam naman ni Tito Pip kung ano talaga ang problema ng industriya ng pelikula, bukod pa nga sa mas magaganda at ginagastusan ngayon ang mga serye sa telebisyon kaysa pelikula.
May pag-asa pa naman ang industriya, pero napakalaking trabaho iyan para kay Tito Pip., Lalo na’t marami sa mga tao sa industriya ngayon ang “matigas ang ulo.”