Matapos ang matagumpay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, sunod-sunod na nadakip ang walong hinihinalang tulak, isang illegal gun owner, at 12 sugarol nitong Martes, 11 Oktubre.
Iniulat ni P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, nagresulta ang ikinasang anti-drug buybust operation ng San Jose del Monte CPS sa pagkakaaresto ng mga pagkaaresto suspek na kinilalang si Laurente Laido, residente ng Sapang Lamig Towerville, sa lungsod.
Nakumpiska mula sa kanya ang 15 pakete ng hinihinalang shabu, marked money, at isang kalibre. 38 na rebolber na kargado ng tatlong bala.
Gayundin, nasukol ang pitong suspek sa serye ng buybust operations ng mga anti-drug operatives ng mga police stations ng Bocaue, Malolos, San Rafael, at Bustos na kinilalang sina Cindy Dela Cruz, Mario Evangelista, Jr., Marick Gonzales, Clarence Trinidad, Merry Grace Reyes, Alvin Hernandez, at Marvin Maniquiz kung saan nakumpiska mula sa kanila ang 18 pakete ng hinihinalang shabu at marked money.
Samantala, kaugnay sa ipinatupad na search warrant ng San Ildefonso MPS, naaresto ang suspek na kinilalang si Henry Fajardo, 43 anyos, para sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition sa Brgy. Akle, San Ildefonso, kung saan narekober sa kanya ang isang kalibre .38 na rebolber na kargado ng anim na bala.
Nadakip din ng mga operatiba ng Marilao MPS at Meycauayan CPS sa kanilang ikinasang anti-illegal gambling operations ang 12 indibidwal na naaktuhan sa mga sugal na pusoy sa Marilao, at color game sa Meycauayan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang set ng baraha, color game set, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)