TINATAYANG nasa 22 gramo ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa dalawang pinaniniwalaang mga notoryus na tulak sa pagkilos laban sa krimen ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Miyerkoles ng umaga, 12 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PNP, inaresto ang dalawang suspek sa buy-bust operation na ikinasa ng mga operatiba ng Calumpit MPS sa Brgy. Pungo, sa bayan ng Calumpit.
Kinilala ang mga suspek na sina Percival Principe, alyas Jet ng Brgy. Inaon, Pulilan; at Louie Dimla ng Brgy. Iba O’Este, Calumpit.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang itim na pouch na naglalaman ng pitong pakete ng hinihinalang shabu, may timbang na 22 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P149,000; at buy-bust money.
Gayondin, nasukol ang sampu pang personalidad sa droga sa iba’t ibang anti-illegal drug operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga police stations ng Angat, Guiguinto, Malolos, Norzagaray, at Obando katuwang ang mga tauhan ng SOU 3, PNP DEG.
Narekober sa operasyon ang kabuuang 27 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, coin purse, kaha ng sigarilyo, at buy-bust money. (MICKA BAUTISTA)