SELOS ang hinihinalang dahilan kaya binaril hanggang mapatay ng isang pulis sa harap ng kaniyang misis ang kasamahang service crew sa Chowking food chain sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Kinilalang ang biktimang si Jasper Tapic Dayaco, 30 anyos, residente sa Don Manuel St., Brgy. Salvacion, Quezon City.
Hinihinalang suspek ang mag-asawang nakatakas na kinilalang sina P/Cpl. Benjamil Romoros Saransaman, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS 14), 29, tubong Marawi, at Roselita Geroza Saransaman, kapwa naninirahan sa Purok 4D VDS HOA, Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, bandang 6:15 pm nitong 11 Oktubre, naganap ang insidente sa tahanan ng biktima sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni Pat. Nestor Ariz, Jr., ng CIDU, ang biktima at ang misis ng pulis ay kapwa service crew sa Chowking Food Chain sa Timog Branch, sa lungsod.
Bago ang insidente, sinabi ng testigo, kinilalang sa pangalang Anna, nagtanong sa kaniya ang mag-asawang lulan ng motorsiklo kung saan ang bahay ni Dayaco kaya sinamahan naman niya doon.
Nagulat na lamang si Anna nang biglang komprontahin ng pulis si Dayaco at sinabing buntis ang kaniyang misis at siya ang asawa nito.
Pagkatapos ay binunot ng pulis ang kaniyang baril at ilang beses na malapitang pinaputukan ang biktima bago tumakas ang mag-asawa.
Naisugod sa Chinese General Hospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival bandang 7:15 pm, ni Dr. Lyka Ryana Tancchip, dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasamsam sa crime secne ng SOCO-QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Capt. Angay Angay ang apat na basyo ng bala ng kalibre .45 at tatlong deformed bullets.
Tinutugis ng mga awtoridad ang pulis at ang misis upang panagutin sa krimen at ang sinisilip na motibo nito ay posibleng selos. (ALMAR DANGUILAN)