DINAKIP ang isang mekanikong hinihinalang drug peddler na nakompiskahan ng malaking halaga ng shabu sa isinagawang anti-illegal drug operation sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 9 Oktubre.
Ikinasa ng mga operatiba ng RPDEU3 SCU3-RID ang buy-bust operation sa Gov. F. Halili Ave., Brgy. Binang 2nd, sa nabanggit na bayan kung saan naaresto ang suspek na kinilalang si Elmer Diaz, 45 anyos, mekaniko, at residente sa naturang barangay.
Narekober bilang ebidensiya laban sa suspek ang halos 60 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P306,000; marked money, isang timbangan, isang belt bag, at isang Oppo cellphone.
Napag-alamang ginagawang front ng suspek ang pagmemekaniko sa pamamagitan ng pasimpleng pag-aabutan ng droga.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nakatakdang isampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)