DINAKIP ng mga awtoridad ang isang security guard matapos ireklamo ng panunutok ng baril sa isang street vendor sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 9 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Plaridel MPS makaarang makatanggap ng reklamo kung saan naaresto ang suspek na kinilalang si Anthony Bautista, 47 anyis, isang a security guard sa Brgy. Poblacion, sa nabanggit na bayan.
Nabatid na nasa ilalim ng espiritu ng alak ang suspek habang naka-duty at kinursunada ang isang 58-anyos na street vendor na kanyang pinagbantaan at tinutukan ng baril.
Nakalayo ang biktima sa pagbabanta ng lasing na security guard at agad na nagsumbong sa himpilan ng Plaridel MPS na kagyat na rumesponde.
Nakumpiska ang isang kalibre .38 na rebolber na may limang bala mula sa suspek na kasalikuyan nang nakakulong sa Plaridel MPS Jail at nakatakdang sampahan ng kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591. (MICKA BAUTISTA)