HATAWAN
ni Ed de Leon
NATURAL umaangal ang mga gumagawa ng mga pelikulang soft porn na ipinalalabas sa video streaming sa panukala ni MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) Chairperson Lala Sotto, na palawakin ang mandato nila para masakop ang video streaming. Iyang video streaming na karamihan sa mga palabas ay sex movies, at gay sex movies din, ay nagiging accessible maging sa mga menor de edad at iyan ay hindi maganda para sa ating mga kabataan.
Walang batas iyan. Ang nilalagyan lang ng classification ng MTRCB ay ang inilalabas sa mga sinehan at legal na video. Iyang streaming nakalulusot at kahit na anong kalaswaan ang gawin, lusot.
Hindi pinansin iyan noong panahon ng pandemya, kasi wala namang sinehan. Pero ngayon, may mga producer na gumagawa pa rin ng porno kahit na may kakayahang gumawa ng legal na pelikula. Mas malaking tax din ang nakukuha ng gobyerno sa mga sinehan kaysa video streaming.
At ito pa ang isa. Sa buong mundo, ang sinasabing gumagawa ng mga pornographic films na malakihan ay ang US, Holland, at Britanya. Rito sa Asya ang gumagawa ng maraming pornographic films ay Japan, South Korea, at China. Pero ngayon sinasabing humahabol na ang industriya ng pornograpiya ng Pilipinas, lalo na ang mga pelikulang pambakla o gay films. May mga buwan na sinasabing tinatalo na natin sa dami ng nagagawang porno ang South Korea at China.
Tanggap ba natin na ang tingin sa atin ay manggagawa na lang ng porno ganoong noong araw tayo ang nangunguna sa paggawa ng mahuhusay na pelikula sa buong Asya?