INARESTO ng mga awtoridad ang isang binatilyong mag-aaral sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan nitong Lunes, 3 Oktubre, batay sa sumbong ng mga opisyal ng paaralan na nagdadala ng baril tuwing pumapasok.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Abredo, OIC ng Bulacan PPO, ang suspek ay isang 17-anyos estudyanteng hindi na pinangalanan, at residente sa Brgy. Abangan Sur, sa nabanggit na bayan.
Dinakip ang estudyante dakong 2:30 pm kamakalawa kasunod ng pinagtibay na ulat sa Officer-In-Charge ng paaralan kaugnay ng isang estudyanteng may dalang baril sa loob ng bakuran ng kanilang paaralan.
Nang arestohin ang estudyante, nakompiska sa kanya ang isang Colt cal .45 pistol, may nakapasok na magazine at kargado ng limang bala at dalawang piraso ng magazine para sa kalibre 45.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 para isampa sa korte laban sa estudyante na pansamantalang ilalagay sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD). (MICKA BAUTISTA)