NAGTULONG-TULONG ang mga awtoridad sa pag-aresto sa dalawang akusado sa kasong panggagahasa sa lalawigan ng Bulacan sa ikinasang manhunt operasyon nitong Lunes, 3 Oktubre.
Batay sa ulat mula sa San Miguel MPS, kinilala ni P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, ang suspek na si Jimboy Tolentino, 27 anyos, kasalukuyang nakatira sa Brgy. Sibul, San Miguel, at nakatalang provincial most wanted person (MWP).
Inaresto si Tolentino sa inilatag na manhunt operation sa Brgy. Sibul, sa naturang bayan dakong 10:45 am ng mga tauhan ng San Miguel MPS bilang lead unit katuwang ang Bulacan 2nd PMFC, 301st MC RMFB 3, 24th SAC 2 SAB PNP SAF at Bulacan Provincial Investigation and Detection Management Unit (PIDMU).
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa kasong rape na walang itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Kasunod nito, nasukol ang most wanted persons (MWPs) ng Balagtas MPS na kinilalang si Rolando Santos, ng Brgy. Pulong Gubat, naaresto sa Brgy. Wawa, Balagtas, dakong 11:05 am kamakalawa ng tracker team ng naturang estasyon katuwang ang mga elemento mula sa 301st MC RFMB 3.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa krimeng rape na walang itinakdang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (MICKA BAUTISTA)