HINDI na nakapalag ang dalawang indibiduwal na kapwa mga residente sa Cavite nang arestohin ng mga awtoridad matapos ireklamo ng panggagantso sa ilang mga residente sa bayan ng Guiguinto, lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 2 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Relly Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, kinilala ang dalawang arestadong suspek na sina Albert Tipace at Arczel Jhoanna Lynee Gerongca, kapwa naninirahan sa lungsod ng Trece Martires, Cavite.
Dinakip ang mga suspek sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng CIDG PFU Bulacan bilang lead unit katuwang ang mga tauhan ng Guiguinto MPS sa pamumuno ni P/Lt. Col. Ericson Roc sa ilalim ng direktang superbisyon ni P/Maj. June Tabigo-on, provincial officer ng CIDG Bulacan.
Inaresto ang dalawang suspek habang nasa aktong tumatanggap ng pera sa entrapment operation para sa panggagantso o swindling.
Nagbunsod ang ikinasang entrapment operation mula sa reklamo na ang mga naturang suspek ay sangkot sa mga ilegal na gawain na ang mga biktima ay pawang taga-Bulacan.
Modus ng dalawang suspek ang magsanla, mangutang, at magbenta ng mga real properties o titulo ng mga lupa na matapos beripikahin ng mga nagreklamo, ang aktuwal na lokasyon o lugar na nakaulat sa mga dokumento ay iba sa nakasaad sa land title. (MICKA BAUTISTA)