ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SOBRANG tuwa ng singer/songwriter na si Gene Juanich dahil bahagi siya siya sa CDC Theatre’s regional Broadway production ng Tony Award winning musical na Once On This Island na mapapanood sa October 7 – 22, 2022 sa CDC Theatre, New Jersey, USA.
Nanalong Best Revival of a Musical sa 2018 Tony Awards, ito’y mula sa panulat ni Lynn Ahrens at musika ni Stephen Flaherty. Ang original Broadway production ay ipinalabas noong 1990 at ang Broadway revival naman ay ipinalabas noong 2017 na ang Broadway Diva na si Ms. Lea Salonga ay gumanap na Goddess of Love na si Erzulie. Si Gene ay gaganap sa role ni Tonton Julian, isang adoptive father ni Timoune, ang bida sa musical. Ang role ni Tonton ay ginampanan ng Grammy Award nominee na si Phillip Boykin noong 2017 sa Broadway revival nito.
Ipinahayag ni Gene ang ‘di malilimutang experience rito. “Nakakakaba ang audition process at hindi uso ang paggamit ng minus-one or tracks dito. Kailangan mo ng music sheet ng iyong kakantahing audition piece, na tutugtugin ng kanilang pianista. Grabe ang disiplina, ang pagsasanay at commitment sa rehearsals sa Broadway musical, grabe ang daming mini-memorize, songs/music, lyrics, acting, choreography, blocking, exits, entrances… sobrang saya, kaya hindi mo mapi-feel ang pagod kasi nag-eenjoy ka sa ginagawa mo.
“Ako lang ang nag-iisang purong Pinoy sa cast, halos karamihan sa cast ay mga African-Americans or “colored” kasi ang setting ng musical ay sa Caribbean Island. Nagpapasalamat ako sa aming sobrang galing na director na si Howard Whitmore sa pagpili sa akin na gampanan ang role ni Tonton at sa buong cast ng musical dahil sa sobrang suporta nila sa akin, pati sa aking talent manager na si Vicente Gahon Gesmundo sa suportang ibinibigay sa aking singing career sa New York. Salamat din sa CEO at founder ng TOFA awards na si Elton Lugay at kay Rasmin Diaz sa tiwala at sa mga oportunidad sa larangan ng pag-awit.”
Last year, si Gene ay nakapag-release ng kanyang second single na Puso Ko’y Laan, isang duet kasama si Michael Laygo.Si Gene ay in-house performer ng the Outstanding Filipino Awards o TOFA awards sa New York City at nag-compose ng official themesong ng TOFA na Philippines Pride in America. Noong Nob 2021 nakasama si Gene sa Rodgers and Hammerstein’s Cinderella, The Musical sa Kweskin Theatre, Connecticut, USA.
Ang Once On This Island ay mula sa musical direction ni Kyle Blackburn, choreography ni Phillip Solomon, stage manager ay si Bobby Devarona, at sa direksyon ni Howard Whitmore. Mabibili ang tickets sa kanilang website na, http://www.cdctheatre.org/once-on-this-island.html