MAY kabuuang 4,760 na indibidwal ang ligtas nang nakabalik sa kanilang mga tahanan noong Martes, Setyembre 27, 2022, matapos lumikas sa pananalasa ng super typhoon Karding noong Lunes.
Sa kanilang pananatili sa iba’t ibang evacuation centers sa Bulacan, tumanggap ang mga evacuees ng family food packs (FFP) at non-food items (NFI) kabilang na ang emergency kits na may lamang mga banig at kumot mula sa Provincial Social Welfare and Development Office.
Sa tala noong Martes, may kabuuang 266 na pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Obando, San Miguel, at Calumpit at patuloy na tumatanggap ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Sinabi naman ni Gob. Daniel R. Fernando na hindi naman pahihintulutan ng Pamahalaang Panlalawigan na bumalik ang mga natitirang evacuees sa kanilang mga bahay hangga’t hindi pa ito ligtas.
“Sinisikap po natin na suportahan ang lahat ng mga pamilyang napinsala ng bagyong ito. Ang Pamahalaang Panlalawigan po ay patuloy na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan at naka-alalay sa kanilang muling pagsisimula,” anang gobernador.
Samantala, nakapagtala naman ang lalawigan ng P415,104,207.07 na kabuuang halaga ng mga pinsala sa agrikultura at pangisdaan dulot ng bagyo ayon sa partial at unofficial report mula sa Provincial Agriculture Office at kabuuang halaga ng P10,118,400 na pinsala sa paghahayupan at mga manukan.
Sinabi naman ng pinuno ng PAO na si Gloria SF. Carrillo na nagsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng patuloy na on-site damage assessment upang makabuo ng plano para matugunan ang mga pinsala. (MICKA BAUTISTA)