ISANG espesyal na pagpupugay para parangalan ang limang ‘bayaning tagapagligtas’ na nasawi habang nagliligtas ng buhay noong kasagsagan ng super typhoon Karding ang nakatakdang ganapin sa Biyernes, Setyembre 30, 2022, alas 3:00 ng hapon sa Bulacan Capitol Gymnasium dito.
Tinawag na “Salamat at Paalam… Bayaning Tagapagligtas! Luksang Parangal para sa mga Yumaong Lingkod Bayan”, dadaluhan ito ng pamilya ng mga biktima, empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro, rescuers mula sa iba’t ibang probinsiya at mga munisipalidad sa bansa, opisyales mula sa nasyonal at rehiyon na ahensiya kabilang ang Department of Social Welfare and Development, Department of the Interior and Local Government, Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang mga panauhin.
Sa huling sandali, bibigyan ang publiko ng pagkakataon na makita at makapag-usal ng panalangin, papuri at pasasalamat para sa limang bayani na sina George E. Agustin mula Iba O’ Este, Calumpit; Troy Justin P. Agustin ng Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartolome ng Bulihan, Lungsod ng Malolos; Jerson L. Resurreccion ng Catmon, Santa Maria; at Narciso Calayag Jr. ng Lungsod ng Malolos.
Isang misa ang idaraos bago ang programa na susundan ng pagpapalabas ng AVP, pagkanta ng pambansang awit, viewing ng mga opisyales ng Pamahalaang Panlalawigan at mga VIP, mensahe mula kay Fernando at iba pang mga indibidwal na nagnanais magbigay ng pananalita at magparating ng tulong.
Pagkakalooban din ang ‘fallen heroes’ ng plake ng pagkilala para sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod.
Bibigyan din ng pagkakataon ang mga nagdadalamhating miyembro ng pamilya na magbigay ng kanilang tugon o mensahe ng pasasalamat.
Ayon sa kanilang kasamahan sa PDRRMO, bihasa at may sapat na pagsasanay ang mga nasabing responder kung saan nakapagsagawa na sila ng maraming rescue operation sa loob at labas ng probinsiya. Ngunit kung ito ang kanilang kapalaran, walang kaalaman, kasanayan o paghahanda ang makapagliligtas sa kanila sa aksidente. (MICKA BAUTISTA)