NANAWAGAN ang mga kamag-anak ng ilan sa mga nasawing rescuer sa Bulacan ng dagdag na benepisyo para sa mga first responder na tumutulong sa panahon ng mga sakuna.
Namatay ang mga rescuer na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, Narciso Calayag habang nagsasagawa ng operasyon sa gitna na pananalasa ng bagyong Karding sa Luzon nitong weekend.
Nangako na si Bulacan Governor Daniel Fernando na sasagutin ang lahat ng gastusin sa burol at pagpapalibing ng mga rescuer, at magbibigay din aniya ng financial assistance para sa kanilang mga pamilya.
Pero nananawagan pa rin si Imelda Agustin, misis ni George Agustin, na sana ay may maiabot pang tulong sa kanila ang ibang sangay ng pamahalaan.
“Nanawagan po ako sa pamahalaan natin, kasi po, talaga pong, totoo lang po, mahirap lang po kami, yung asawa ko lang po ang naghahanapbuhay at nagtataguyod sa’min. E ngayon po na wala na siya… mga anak ko, ‘di ko po alam kung paano kami mag-uumpisa,” naiiyak niyang sinabi sa TeleRadyo.
“Di ko po alam kung paanong gagawin ko. Paano ko mapag-aaral mga anak ko ngayong wala na po si George?”
Dagdag pa ni Imelda, maski noong nabubuhay pa ang mister ay halos hindi na rin sapat ang sinasahod nito para buhayin ang kanilang tatlong supling.
“Pinagre-resign ko nga po siya. Sabi ko po, kung hindi ka mapasok ng trabaho dito, pinag-a-abroad ko po yan kasi, yun nga pong mga anak namin, puro nag-aaral, hindi po sapat yung kinikita niya dyan sa PDRRMO.”
“Kaya lang po, yun po talaga ang gusto niya, yung makatulong po sa, yung makapaglingkod po sa mga tao na nangangailangan lalo pa yung mga naaksidente tsaka po yung mga maysakit na kailangan pong ilipat sa iba’ ibang ospital,” kuwento niya.
Para naman kay Ferdinar Calayag, kapatid ni Narciso Calayag, malaking tulong kung mabibigyan ng benepisyo ang mga rescuer at volunteer.
“Napakalaking bagay po para po sa mga rescuer kung mabibigyan po sana ng sapat na tulong ang lahat ng ating mga rescuer para po magampanan yung kanilang tungkulin na hindi po biro ang mga rescuer. Talaga pong sinusugal nila ang kanilang buhay para po makapagligtas ng iba,” aniya.
Ayon naman kay Michelle Resureccion, biyuda ni Jerson Resurreccion, higit pa sa regularisasyon sa trabaho ang nararapat na ibigay sa mga first responder.
Aniya, kontraktuwal lang na empleyado ng panlalawigang pamahalaan noon ang kanyang mister.
“Masasabi ko lang po, hindi lang po maging regular, na sana po magkaroon po tayo ng batas para po sa mga responder, first responder po, volunteers, dahil sa pagkakaalam ko po, RA 10121 (Philippine Disaster Reduction and Management Act) lang po ang naisabatas.”
“Pero po, yung pagiging responder po at yung risk na sinasagupa po nila, yung COVID na yan, yang aksidente na yan, sa pagdating sa tubig, earthquake, lahat sakop nila. Hindi sila isang propesyon lang. Sila ay earthquake, fire, lahat, yan ay kanilang sinusuong para lang makatulong sa ating bayan,” aniya. (MICKA BAUTISTA)