TINATAYANG aabot sa mahigit 765K halaga ng iligal na droga ang nakumpiska habang 15 drug suspek at anim na law offenders ang naaresto sa pinatindi pang operasyon ng pulisya sa Bulacan hanggang kahapon ng umaga.
Sa ulat mula kay PColonel Relly B. Arnedo, OIC ng Bulacan PPO, na PP 578,000.00 halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa mga drug dealer na si Maximo Dela Cruz, 67, sa Poblacion, Sta. Maria sa ikinasang drug buy-bust operation na pinangunahan ng Sta. Maria MPS katuwang ang PNP DEG – SOU3 dakong alas-2:10 ng madaling araw kahapon, Setyembre 28.
Gayundin, ang mga operatiba ng San Jose Del Monte CPS ay nakarekober ng sampung gramo ng shabu mula kay Orpia Manalo sa Kaypian, SJDM City samantalang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit at Malolos CPS ay nakarekober ng walong gramo ng shabu mula kay Mary Meliza Eusebio at Edwin Ramirez sa Canalate, Malolos na sa pangkalahatan ay may kabuuang PhP 122,400.00.
Samantala, ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Paombong, Sta. Maria, Norzagaray, Marilao, SJDM City at Bocaue ay nakaaresto ng 11 drug suspek at nakarekober sa kanila ng 25 pakete ng shabu, 5 pakete ng marijuana at marked money.
Arestado naman si Arnold Francisco, 42, sa pagnanakaw ng isang nakaparadang motorsiklo sa Minuyan Proper, SJDM City, kasunod ng maagap na pagresponde ng mga tauhan ng SJDM CPS.
Nasakote rin ng tracker teams ng 2nd PMFC, Bulakan at SJDM CPS ang limang may kasong kriminal sa bisa ng Warrant of Arrest.
Kinilala ang mga ito na sina Rosemarie Narciso para sa kasong Theft, Romil Belisario at Joselito Saranillas, kapuwa para sa Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property; Imelda Torre para sa paglabag sa BP 22; at Rodgielyn Pinon para sa Serious Physical Injuries. (MICKA BAUTISTA)