BINAWIAN ng buhay ang limang rescuers sa matinding pagbaha sa Brgy. Camias, bayan ng San Miguel, sa lalawigan ng Bulacan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Karding, nitong Linggo ng gabi, 25 Setyembre.
Ayon kay San Miguel Mayor Roderick Tiongson, ang limang biktima, pawang miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Kapitolyo ng Bulacan, ay magre-rescue sa mga residenteng apektado ng baha sa kanilang bayan.
Napag-alaman na habang sakay ng truck ang mga biktima papunta sa kanilang misyon, nasiraan sila kaya nagpasyang magbangka papunta sa apektadong lugar sa Brgy. Camias.
Habang lulan ng bangka, isang pader sa lugar ang bumigay sa rumaragasang baha hanggang tumama sa kinalululanang bangka ng mga biktima sanhi upang bumaligtad na nagresulta sa kanilang pagkalunod.
Sa spot report mula sa PRO3 PNP, kinilala ang mga namatay na rescuers na sina Narciso Calayag, Jerson Resurreccion, Marvy Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agusin.
Dinala ang mga labi ng limang rescuers sa punerarya kasunod ng pahayag ni Gob. Daniel Fernando na pagkakalooban ng kinakailangang tulong ang kanilang mga pamilya.
Dagdag ng Gobernador, may 2,000 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation centers habang may ilang lugar sa lalawigan ang nakalubog sa baha.
Ipinahayag ni Mayor Tiongson, sa kasalukuyan ay 49 barangay sa San Miguel ang lubog sa baha. (MICKA BAUTISTA)