SA kabila ng patuloy na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig-lugar, patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam, sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) executive director Dr. Sevillo David, nasa 176.17 metro ang lebel ng Angat Dam, na mababa nang halos apat na metro sa minimum operating level na 180 metro.
Gayunpaman, sinabi ni David na nananatiling sapat ang supply ng tubig sa Metro Manila at ang pinaghahandaan nila ngayon ay ang pangangailangan sa mga susunod na mga araw, mga buwan at partikular ang mga susunod na taon.
Dagdag pa ng opisyal, ninanais nila na mas maganda ang lebel ng Angat Dam bago po pumasok ang 2023 kaya maigi kung mag-uumpisa nang magtipid sa tubig ang mga Filipino.
Ani Sevillo, kung kailangang magkaroon ng adjustment sa alokasyon ay magkakaroon din ng karampatang abiso para sa mamamayan, partikular sa Metro Manila at patuloy silang gumagawa ng paraan upang hindi magkaroon ng water interruption.
“Sa ngayon po pinag-uusapan natin ano yung mga posibleng contingency plan para naman po mapangalagaan yung patuloy na suplay ng tubig para po sa kababayan natin kahit po medyo mababa ang sitwasyon dito sa Angat Dam,” pahayag ni Sevillo. (MICKA BAUTISTA)