NAGWAKAS ang maliligayang araw ng dalawang hinihinalang tulak na responsable sa pagkakalat ng ilegal na droga sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan nang tuluyan na silang mahulog sa kamay ng batas nitong Martes, 20 Setyembre.
Nagsagawa ng buybust operation ang SDEU ng Sta. Maria MPS bilang lead uniy, katuwang ang SOU 3 PNP DEG at sa koordinasyon sa PDEA kung saan naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Jimmy Endaya, 43 anyos, pumo-front na tricycle driver, tubong-Sta.Maria; at Joseph Villagracia alyas Kwatog, tubong-Olongapo, kapwa naninirahan sa Brgy. Loma de Gato, Marilao at parehong kabilang sa PNP-PDEA modified watchlist.
Ayon sa ulat, nagsabuwatan ang dalawa sa pagbebenta ng isang selyadong pakete ng plastik na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer sa C. De Guzman St., sa naturang bayan, dakong 12:15 ng madaling araw kamakalawa.
Matapos mag-abutan sa napagkasunduang drug deal, agad inaresto ang dalawang suspek na nakumpiskahan ng P500 marked money; pitong sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.6 gramo at tintayang nagkakahalaga ng P4,080; isang coin purse; at isang Honda 125 motorcycle.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Section 5, 11 at 26 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 sa Office of the Provincial Prosecutor, sa lungsod ng Malolos, habang isusumite ang mga nasamsam na ebdiensiya sa Bulacan Forensic Unit para sa pagsusuri. (MICKA BAUTISTA)