SA isang pambihirang pagkakataon, nagsama-sama ang mga pinuno ng pamahalaan sa Bulacan sa pangunguna nina Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis Castro upang resolbahin ang mga kasalukuyang problema ng lalawigan sa ginanap na Strengthening Governance Through Adaptive Leadership and Management sa The Manor, Camp John Hay, sa lungsod ng Baguio mula 19 hanggang 21 Setyembre.
Sa kanyang pambungad na mensahe, pinasalamatan ni Fernando ang lahat ng dumalo kabilang ang mga punong lungsod at bayan, pangalawang punong lungsod at bayan, bokal, ahensya ng pamahalaang nasyunal, at mga pinuno ng tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa paglalaan ng oras upang pag-usapan ang matatagal nang isyu ng Bulacan kabilang ang illegal quarrying at logging, reclassification ng land use, at pagbaha.
“Sisikapin nating maibsan ang mga kinakaharap na suliranin ng ating mga kababayan. Sa kabilang dako naman ay paghahanda sa mga opportunity na paparating sa ating lalawigan. Narito po tayo ngayon dahil alam ko at nakikita ko na maso-solve natin ito lahat at kayang kaya natin ito kung tayo ay magsasama-sama at kakalimutan natin ang pulitika,” anang pinakamataas na pinunong ehekutibo sa lalawigan.
Sa unang araw ng forum, tinalakay ni Bulacan Chamber of Commerce and Industry President Victor Mendoza ang paksang “BCCI: Your Private Sector Partner in Development” kung saan ipinaabot ni Castro ang kagustuhan ng Sangguniang Panlalawigan na gumawa ng mga ordinansa na magiging kapaki-pakinabang upang mapatili ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor.
Gayundin, tinalakay ni Department of Trade and Industry-Bulacan Provincial Director Edna Dizon ang “DTI Strengthening Partnerships and Collaboration with LGUs in Business Development and Consumer Protection”, ibinahagi ni Provincial Agriculturist Ma. Gloria Carrillo ang “Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems (PAFES)” at binuksan ng pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office Atty. Julius Victor De Gala ang talakayan tungkol sa mga hakbang ng Bulacan upang patuloy na protektahan ang kalikasan.
Samantala, sa ikalawang araw, masusing tinalakay ni Engr. Randy Po ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) ang “Flooding Situation of the Province” kung saan nagbigay ng tugon sina Fernando, Engr. Henry Alcantara at Engr. George Santos mula sa Department of Public Works and Highways-Bulacan, at Department of Environment and Natural Resources-Bulacan Provincial Director Emelita Lingat.
Dagdag dito, pinag-usapan rin ang “Comprehensive Land Use Planning” sa pangunguna ng kinatawan ni Department of Human Settlements and Urban Development Regional Director Felix Vibares Brazil, Jr. na si Corazon Labay, Division Chief ng ELUPDD, habang iniulat ng pinuno ng PPDO Arlene G. Pascual ang “Status of Land Use Regulation and Management in the Province of Bulacan”.
Ilan sa iba pang paksang tinalakay ang “Inter-agency DRRM Collaboration and Partnership towards Sustainability” ni Provincial DRRM Officer Felicisima Mungcal, “Intensified Anti-Overloading Operations” ni NLEX President and General Manager Luigi Bautista, at “Adaptive Leadership and Management” ni Prof. Edel Guiza. (MICKA BAUTISTA)