SINALAKAY ng mga awtoridad, nitong Sabado, 17 Setyembre ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa lungsid ng Angeles, lalawigan ng Pampanga kung saan nasagip ang 43 dayuhan na puwersahang pinagtatrabaho.
Pinangunahan nina Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at PRO3 Regional Director P/BGen. Cesar Pasiwen kasama ang iba pang police officials ang pagpapasara sa Lucky South 99 Outsourcing Inc. sa bahagi ng Fil-Am Friendship Highway, sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Secretary Abalos, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang alamin kung ang iba pang opisyal ng naturang POGO company ay nagtatrabaho para sa sindikato ng human trafficking na tinatarget ang mga Chinese nationals at iba pang dayuhan.
Nagpapatuloy ang isinasagawang follow-up operations upang malaman kung may kahalintulad ding mga kaso sa iba pang kumpanya ng POGO sa rehiyon.
Kaugnay nito, pinapurihan ni SILG Abalos ang PNP at ang Anti-Kidnapping Group (AKG) na sa loob ng 12 oras ay agarang umaksiyon matapos silang maalerto.
Samantala, ipinahayag ni P/BGen. Pasiwen na ang kapulisan ng Central Luzon ay patuloy sa mahigpit na pagmamanman sa gitna ng mga ulat ng mga pagdukot at human trafficking na sangkot ang mga kumpanya ng POGO.
Hinimok din niya ang publiko na isumbong o iulat sa mga awtoridad ang mga nalalamang ilegal na aktibidad sa kanilang lugar. (MICKA BAUTISTA)