NAGBUNGA ang pagsisikap ng mga awtoridad na mabigyan ng hustisya ang isang babaeng ginahasa sa Bulacan nang maaresto ang salarin sa pinagtataguan niya sa Misamis Oriental nitong Martes, 13 Setyembre.
Nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng Regional Intelligence Unit 3 at intelligence personnel ng Bulacan PPO sa mga awtoridad mula sa PRO10 sa pagsasagawa ng manhunt operation sa Brgy. Agay-ayan, Gingoog, Misamis Oriental.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Elmer Ayuma, 28 anyos, residente ng Mataas na Kahoy, Upper Friendship Village Resources (FVR), Norzagaray, Bulacan, na nakatala bilang No. 5 Most Wanted Person ng Central Luzon..
Inaresto si Ayuma sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Statutory Rape na inisyu ni Presiding Judge Christina Geronimo Juanson ng San Jose del Monte RTC Branch 5-FC na walang itinakdang piyansa.
Nabatid na pangunahing suspek si Ayuma sa panggagahasa sa isang alyas ‘Clarissa’ noong Nobyembre 2021 sa Norzagaray, Bulacan, na nagtago hanggang maaresto sa Misamis Oriental. (MICKA BAUTISTA)