ARESTADO apat na indibiduwal na hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa isinagawang raid sa isang makeshift drug den sa lungsod gn Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Martes, 13 Setyembre.
Sa ulat mula sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Edward Concepcion alyas Popong, 30 anyos; John Liangcungco, 37 anyos; Edwardo Concepcion, 54 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Poblacion; at Arnold Baron, 60 anyos, residente ng Brgy. Sapang Biabas, parehong sa nabanggit na lungsod.
Narekober sa inilatag na operasyon ang pitong selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng humigit-kumulang sa 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P103,500; sari-saring drug paraphernalia; at marked money na ipinain ng undercover PDEA agent.
Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)