UPANG punan ang kawalan sa kita ng mga magsasaka ng palay dahil sa pagbaba ng presyo nito, pagtaas ng presyo ng fertilizer at iba pang inputs, magbibigay ang Department of Agriculture sa pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa 7,684 magsasakang Bulakenyo ng P5,000 Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) simula 12 hanggang 16 Setyembre 16.
Karagdagan ito sa 19,588 benepisyaryo sa lalawigan na binigyan noong 10 hanggang 26 Pebrero ng taong kasalukuyan.
Muling binanggit ni Gob. Daniel Fernando ang mga nakalinyang proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga Bulakenyong magsasaka kabilang ang Farmers Training Center, ang Bulacan Multiplier and Breeding Center sa Doña Remedios Trinidad, at ang sariling produksyon ng vermicompost sa Farmers Productivity Center.
“Kailangan po natin mag-train ng mga anak natin na mag-focus sa farming. Kailangan na natin silang sanayin habang bata pa sila. Importante sa atin ang pagtatanim kaya hindi natin dapat ito pabayaan,” anang gobernador.
May kabuuang 1,803 magsasakang benepisyaryo mula sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Paombong, Pulilan, Hagonoy at lungsod ng Malolos ang tumanggap ng ayuda nitong Linggo, 11 Setyembre sa Bulacan Sports Complex sa lungsod ng Malolos; habang 1,496 mula sa bayan ng Plaridel, Baliwag, Bustos, Pandi, Guiguinto, Bocaue, at Balagtas ang tumanggap nitong Martes, 13 Setyembre sa kaparehong lugar.
Samantala sa ngayong Miyerkoles, 14 Setyembre, dalawang grupo ng pamamahagi ang naka-iskedyul sa bayan ng San Rafael na mamamahagi sa kabuuang 3,500 benepisyaryo mula sa San Miguel, Doña Remedios Trinidad, San Rafael, at San Ildefonso.
Panghuli, ang pangwakas na pamamahagi ay gaganapin sa Fortunato F. Halili National Agricultural School sa Sta. Maria na may 885 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Sta. Maria, Angat, Norzagaray, Marilao, at mga lungsod ng Meycauayan at San Jose del Monte. (MICKA BAUTISTA)