HARD TALK
ni Pilar Mateo
LOOKING at her up-close, makikita na ang angking ganda ni Herlene Nicole Policarpio Budol. Na mas nakilala at sumikat sa tawag na “Hipon Girl.”
Sumubaybay ang buong Pilipinas, pati na ang mundo sa naging journey ni Herlene. Lalo na sa mga pagbabagong kinailangan niyang sumailalim tulad sa kanyang pisikal na kaanyuan.
At sa bawat hakbang naman na ginagawa nito ay may biyayang nakakatapat.
Kung korona rin lang ang pag-uusapan, na nakamit na ng dalaga sa sinalihang paligsahan at muling kakaharapin sa Miss Planet Philippines 2022, ang korona bilang isang endorser ng mga produktong makapagpapalas ng loob ng mga kababaihan, lalo na ng mga kabataan ang tataglayin nito sa sinelyuhang kontrata sa Rejuviant kamakailan.
Kapag nga nagkuwento si Herlene, hindi ka lang makikinig. Mapapanganga at tulala ka sa mga kuwento niya. Kung paano siyang ma-bully. Kung paanong tumira sa bahay na walang bubong o kisame. Mabuhay ng walang ligo-ligo at sabong “Sepgard” (Safeguard) lang ang kilala. At napakarami pang karanasang ngayon ay ginagawa na niyang inspirasyon para maibahagi sa lahat.
Nakausap namin ang may-ari ng Rejuviant na pumili sa kanya para mag-endoso nito. More than anything, ang pagiging down to earth ni Herlene ang umengganyo sa CEO nito na si Chique Ballon at pamilya para kunin ang serbisyo ni Herlene. Para sa kanilang lotion at pampabango ng pempem.
Masaya si Herlene dahil sa mga tulong ng tumayong manager na si Wilbert Tolentino sa pag-usad hindi lang ng career kundi buhay din ng dalaga.
Pero hindi mapipigilan ni Herlene ang maiyak kapag ang taong malapit sa puso niya at nawala na ang napag-usapan. Kasi nga iniisip na nang mawala o pumanaw ito eh, nagpatuloy pa rin ito sa pagiging isang guide sa buhay ng dalaga.
Naidaraan pa ni Herlene sa komedi ang pagpigil sa pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Bakit daw ba kung kailan wala na o patay na ang isang tao eh, at saka maaalala ang mga nagagawa nito. Alangan naman daw na buhayin pa niya ang pananahimik na nito.
Hayaan na lang daw na nandyan lang ito.
Wala rin daw nagbabago at mababago sa kanya.
Darna o Dyesebel?
“Sariling version ng sarili ko as Hipon. Hipon na lang. Ang ipis ng dagat!”
Ngayon, ginagamit na niya ang lotion para sa kutis porselana naman ng balat niya. Pati na ang para sa kanyang personal hygiene. Cocoberry Instaglow Lotion. Premium Cocoberry Bodywash.
At kahit pa raw umangat pa nang umangat sa estado niya si Herlene, hindi niya aalisin, kakalimutan o buburahin ang nakilala, natandaan, at patuloy na kinakalinga ng tao sa kanya ngayon. Bilang si Hipon!