ISANG buy bust operation ang ikinasa sa Purok 4, Barangay Matain, Subic, Zambales kamakalawa na nagresulta sa pagkaaresto ng pinaghihinalaang drug den operator na kinilalang si Loida M. Predas, 37-anyos.
Ang pag-aresto kay Predas ay nagbunga rin sa pagkabuwag ng drug den, pagkakakompiska ng
P124,200 halaga ng shabu at pagkaaresto sa kanyang apat na galamay.
Kinilala ang mga suspek na sina Rico Mamaril, 41 anyos, residente sa Prk. 4, Brgy. Matain, Subic, Zambales; Melanie Gonzales, 45 anyos, walang asawa, residente sa Brgy. Calapacuan, Subic, Zambales; Danilo Flores, 44 anyos; at Eduardo Ferrer, 38 anyos, kapwa residente ng Brgy. San Pedro, Lubao, Pampanga.
Nakompiska sa operasyon ang pitong piraso ng selyadong pakete ng plastic, may timbang na halos 18 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P124,200; assorted drug paraphernalia; at marked money.
Ang operasyon ay ikinasa ng magkasanib na mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Zambales at Subic Municipal Police Station (MPS).
Mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o lalong kilala sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022 ang inihahanda laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)