TINATAYANG P1 bilyong halaga ng asukal ang nadiskubre nang suyurin ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC), Philippine National Police (PNP), at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ilang bodega sa Meycauayan City, Bulacan.
Sa isang bodega sa Polyland Industrial Subdivision, nadiskubre ang 11,717 sako ng lokal na asukal na may iba’t ibang brand at 50,182 sako ng asukal mula sa Thailand.
Samantala, sa Edison Lee Compound ay nakita ang 60,876 sako ng Thailand sugar habang sa Muralla Industrial Park, 62,734 sako ng lokal na asukal ang natagpuan, at sa Sterling Industrial Park ay nadiskubre ang 1, 860 sako ng asukal mula sa Thailand.
Sa pagtataya ng BoC, aabot sa P936 milyon ang halaga ng mga asukal na nakita sa mga nabanggit na bodega.
Kaugnay nito, binigyan ng BoC ng 15 araw ang may-ari ng mga bodega na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na hindi ipinuslit ang mga asukal. (MICKA BAUTISTA)