ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NASA shooting si Sean de Guzman ng bago niyang pelikulang Relyebo ni Direk Crisanto Aquino nang tawagan siya ng Line Producer of the Year at talent manager na si Dennis Evangelista para ibalitang nanalong Best Actor ang isa sa busiests actors sa Vivamax.
Nakopo ni Sean ang Best Actor sa sa CHITHIRAM International Film Festival sa India. Ito’y para sa pelikulang Fall Guy ng 3:16 Media Network at Mentorque Productions, mula sa pamamahala ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.
Kuwento sa amin ni Sean, “Noong itinawag sa akin ni Sir Dennis ‘yung balita, nasa shoot ako, 6:00 am in the morning iyon. Wala pa ako sa ulirat, tapos ganoon ang balita.
“Kaya halo-halo na lahat ng pakiramdam ko, hindi ko alam kung tatalon ba ako, kikiligin o iiyak sa balita na nakarating sa akin, sa sobrang tuwa at excitement!”
Ito ang first acting award ng guwapitong talent ni Ms. Len Carrillo na sa storycon pa lang ng Fall Guy ay nabanggit nang may pressure sa part niya nang sinabi ni Direk Joel na mananalong Best Actor sa pelikulang ito si Sean.
Ano ang reaction niya rito?
Esplika ni Sean, “Nagulat ako sa lumabas na mga salita galing kay Direk Joel Lamangan, Siyempre pressured, dahil what if hindi ko mapatotohanan ‘yung sinabi niya na magkakaroon ako rito ng award, e ‘di nakahihiya iyon?
“So I did my very best in this film at iniaalay ko po ito sa ating Panginoon,” pakli niya.
Ang iba pang cast ng Fall Guy ay sina Shamaine Buencamino, Glydel Mercado, Tina Paner, Jim Pebanco, Vance Larena, Cloe Barreto, Marco Gomez, Quinn Carrillo, Karl Aquino, Pancho Carrillo, Mark Cardona, Tiffany Grey, Azekah Alvarez, Nisa Ortiz, Hershie de Leon, at Itan Rosales.
Bilang pagbabalik-tanaw sa naturang storycon ng Fall Guy, ito ang nabanggit ni Direk Joel, “Ako ang sumama kay Sean sa kanyang pagbibiyahe bilang aktor. Sa aking pelikula siya unang nakita. Bakit ko siya pinili? Dahil nakitaan ko siya ng husay sa pag-arte, nakitaan ko siya ng intrinsic quality ng isang mahusay na aktor na puwedeng ma-develop bilang pangunahing aktor ng ating industriya. Iyan ang nakita ko kay Sean. Ito po ang pelikula na siya talaga ang magdadala. Siya ang tatanghaling Best Actor sa mga susunod na panahon!”
Si Lamangan ang nagdirek ng launching movie ni Sean na Anak ng Macho Dancer last year. Kabilang sa iba pang pelikula ni Sean na pinamahalaan ni Direk Joel ang Lockdown, Bekis on the Run, Ang Huling Baklang Birhen sa Balat ng Lupa, at Island of Desire.
Nabanggit din ni Ms. Len na si direk Joel ang humubog kay Sean bilang aktor.
Aniya, “Mula Lockdown to Macho Dancer, si Direk Joel Lamangan ang director at mentor niya, siya talaga ang humubog kay Sean.”
Ang isa pang kaabang-abang na movie ng tandem nina Sean at Direk Joel ay ang My Father, Myself na pinagbibidahan din nina Jake Cuenca, Dimples Romana, at Tiffany Grey.
Dito’y pinuri ng kanyang manager ang husay ni Sean, “Masasabi ko na ang My Father, Myself na movie ni Sean, actor na talaga siya rito. Can’t wait na mapanood ko sa inyo ito,” masayang sambit ni Ms. Len.
Nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si Sean kina Direk Joel at Ms Len, “Maraming salamat Direk Joel Lamangan sa tiwala na ibinibigay ninyo sa akin at sa paniniwala na kaya kong gawin ang lahat na ibinibigay n’yo sa akin.
“At sa aking Nanay na si Nanay Len Carrillo, maraming salamat po sa hindi pag-iwan sa akin sa journey ko mula noong simula hanggang ngayon, hindi kayo nagsawang suportahan ako sa mga gusto kong mangyari… at salamat sa pag-guide sa akin. Mahal ko kayong dalawa at sa mga taong naniniwala sa akin, maraming salamat po,” lahad ni Sean.