MATAPOS ipahayag ng mga opisyal ng Aurora ang pagpapatupad ng pork ban mula sa Bulacan, Pampanga at Tarlac, tiniyak ni Gob. Daniel Fernando sa mga Bulakenyo, lalo ang mga nag-aalaga ng baboy na kontrolado na ang kaso ng African Swine Flu (ASF) sa lalawigan.
Naglabas ang mga opisyal ng lalawigan ng Aurora Province ng Executive Order No. 35 na nagpapatupad ng pansamantalang pagbabawal ng pagpasok ng mga buhay na baboy at produktong baboy sa kanilang lalawigan mula sa mga lalawigan na may kaso ng ASF kabilang ang Bulacan, Pampanga, at Tarlac mula 30 Agosto hanggang 30 Setyembre 2022.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Voltaire G. Basinang ng Bulacan Veterinary Office, may naitalang kaso ng ASF sa bayan ng Sta. Maria, dahilan upang magpatupad ang Aurora ng pork ban kasunod ang pahayag na hindi makaaapekto ang pork ban sa mga Bulakenyong hog raisers.
“Ang naturang ban ng Aurora sa baboy ng Bulacan ay nag-ugat sa muling pagkakaroon ng kaso ng ASF sa isang babuyan sa Sta. Maria. Bagaman ang nasabing kaso ng ASF ay nakontrol na at hindi na kumalat, minabuti pa rin ng Aurora na maglatag ng pansamantalang ban sa ating mga baboy. Hindi naman ito makaaabala sa ating mga magbababoy dahil ang ating mga baboy ay sa Bulacan at Metro Manila lamang dinadala. Napakaliit na porsiyento ng ating baboy ang napupunta sa Aurora kung mayroon man,” paliwanag ni Basinang.
Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni Fernando ang mahigpit na pagbabantay sa mga babuyan at tiniyak na gagawin ng pamahalaang panlalawigan ang mga kaukulang aksiyon upang suportahan ang hog raisers sa lalawigan at tiniyak sa publiko na ligtas kainin ang mga produktong karne na nagmula sa Bulacan.
“Bilang punong lalawigan, nauunawaan ko ang desisyong inilabas ng pamahalaang lalawigan ng Aurora. Naiiintindihan ko ang responsibilidad na protektahan ang kanilang nasasakupan at marahil ganoon din ang ating gagawin sa lalawigan. Bagaman wala pang tiyak na bakuna laban dito, walang dapat ipag-alala ang mga Bulakenyong hog raiser dahil sinisiguro ko na ang ating pamahalaang panlalawigan ay nangunguna sa pagsasagawa ng cleaning at disinfection sa bawat lungsod at munisipalidad upang mahigpit na mabantayan ang pagkalat nito,” anang Gobernador.
Sa ngayon, wala pang ibang kaso ng ASF ang naitatala sa Bulacan at ilang babuyan na rin ang muling nagbukas, ayon sa Provincial Veterinary Office. (MICKA BAUTISTA)