PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
PROUD ang TV host turned businesswoman na si Grace Lee na ang kompanya niyang Glimmer Inc. ang magdi-distribute sa Pilipinas ng kasalukuyang number one movie sa South Korea na Hunt.
Ang Hunt ay pinagbibidahan ni Lee Jung Jae, na naging household name hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo dahil sa pagiging bida niya sa hit Netflix original series na Squid Game. Muling pabibilibin ni Lee ang mga Pinoy sa Hunt, na siya rin ang nagdirehe at nagsulat ng istorya.
Ang Hunt ay isang spy action movie na nagkaroon ng world premiere at naimbitahan sa non-competitive Midnight Screening section ng 2022 Cannes Film Festival. Tungkol ito sa dalawang Korean Central Intelligence Agency unit chiefs na sina Park Pyong-ho (Lee Jung Jae) at Kim Jung-do (Jung Woo Sung) na naatasang hanapin ang mole o spy sa loob ng ahensiya na may kinalaman sa planong assassination sa South Korean president. Pero kagulat-gulat ang mga pangyayari at twist sa istorya na dapat abangan.
Sa special press screening ng Hunt na ginanap kamakailan sa SM Megamall Director’s Club Cinema, inamin ni Grace na bagama’t nagugwapuhan siya at hinahangaan niya bilang aktor ang bidang si Lee ay mas crush niya ang co-actor nito sa pelikula na si Jung Woo Sung.
“Si Jung Woo Sung, siya ‘yung crush ko eh. Actually, si Jung Woo Sung is kind of like the Brad Pitt of Korea. Grade school pa lang ako sikat na iyang si Jung Woo Sung. Always the guwapo, always the good actor in Korea. At si Jung Woo Sung movie star talaga siya, hindi siya nagti-TV series kaya hindi siya masyadong kilala sa mga non-Korean audience. Kaya I am introducing to you my crush—Jung Woo Sung. Sabi nga ng nanay ko, ‘Pag hindi ka pa nag-asawa ng 40 ligawan mo na ‘yang si Jung Woo Sung!’ Eh magpo-40 na ako this year. Sabi ko, eto na ang first step, ipalalabas ko na rito sa Pilipinas ang ‘Hunt.’ Malay niyo ma-meet ko na siya, ‘di ba?” sabi ni Grace.
Actually, may pagkakataon na sana si Grace na ma-meet in person si Jung Woo Sung dahil imbitado siya sa presscon at premiere ng Hunt sa South Korea. Pero nag-iingat pa rin si Grace dahil nga mayroon pa ring COVID-19 pandemic kaya hindi siya nagpunta.
Samantala, bukod sa Hunt nangangako si Grace na magdadala at maghahatid pa ng mas maraming Korean content, hindi lang movies kundi pati TV series, sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang Glimmer Inc..
Wino-work out na nga ni Grace na madala rito sa Pilipinas pati ang cast ng susunod na Korean movie na idi-distribute dito ng Glimmer Inc.
Sa ngayon, iniimbitahan muna ni Grace ang mga Pinoy na muling magbalik sa mga sinehan at manood ng Hunt.
Promise sulit na sulit ang ibabayad niyo sa sinehan. Kabilang kami sa press na nakapanood na ng Hunt at talagang bumilib at nagandahan kami sa movie. Ang gagaling pa ng mga artista. Bongga ang twist sa pelikula na ikinawindang ko at siguradong ikagugulat niyo rin.
Distributed in the Philippines by Glimmer Inc., ang Hunt na ipalalabas sa 100 cinemas nationwide simula sa August 31, 2022.