AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI nagkamali si PNP Chief, Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr., sa pagtatalaga kay P/BGen. Nicolas “Nick” Torre III bilang District Director ng Quezon City Police District (QCPD). Bakit naman?
Dahil kung leadership ang pag-uusapan, isa ito sa asset ni Torre kaya buo ang suporta sa kanya ng mga opisyal at tauhan ng QCPD sa kampanya nito laban sa kriminalidad partikular ang pagsugpo sa numero unong problema sa bansa – ang ilegal na droga.
Hindi lang laban sa kriminalidad ang isa sa prayoridad ni Torre kung hindi maging ang paglilinis o “internal cleansing” sa QCPD – mga pulis scalawags. Ilang araw pa lamang si Torre sa puwesto ay kanya nang pinatunayan ang paglilinis sa pulisya.
Isa na rito ang pag-relieved sa 17 pulis na sangkot sa “hit and run” case na kinasasangkutan ng kanyang (Torre) sinibak na hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD na si P/Lt. Col Mark Abong.
Sa imbestigasyon na ipinag-utos ni Torre, nakitang nagsabwatan ang 17 pulis para sa cover-up sa kaso. Pinalalabas na may sibilyang gumamit sa sasakyan ni Abong nang makaaksidente at makapatay ng trike driver pero ang may dala pala ng sasakyan ay ang opisyal.
E, kung kampanya naman sa droga ang pag-uusapan, diyan natin saluduhan ni Torre. Dahil sa kanyang leadership at pinaigting na gera laban sa droga ito ay nagresulta sa pagkakakompiska ng P173.4 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na pinamumunuan ni P/Lt. Roland Vergara.
Nakompiska ang droga sa itinuturing na bigtime tulak na si Rodgene Umali, residente sa Mamatid, Laguna. Isang dayong tulak na inakala niya siguro ay makalulusot siya sa QCPD. Siya ay naaresto sa buy bust operation na isinagawa sa Roosevelt Avenue, Brgy. San Antonio, QC.
Iyan na nga ang sinasabi natin, huwag na huwag ninyong subukan ang kakayahan ni Torre, hindi kayo ubra sa kanya at sa mga bumubuo ng QCPD. Kaya sa iba pang sindikato ng droga, huwag na ninyo pang tangkaing pumasok sa Kyusi para magkalat. Tiyak na mabibigo kayo kay Torre o sa QCPD.
Umpisa pa lamang ito ng kampanya ni Gen. Torre, ibig sabihin…marami pa ang susunod. Kaya, inuulit natin ha, huwag na huwag ninyong hamunin si Torre, tiyak na pagsisisihan ninyo ito.
Gen. Torre, Lt. Vergaras sampu ng mga tauhan mo sa DDEU. Congratulations. Saludo ang bayan sa inyo. Marami na namang buhay ang inyong nailigtas sa tiyak na kapamahakan.