ni Marlon Bernardino
MANILA —Binigo ni James “Dodong Diamond” Aranas si Lauro Bongay, 11-2, sa duel ng fancied Filipino bets tungo sa pagkatok sa semifinal round ng 2022 APF (Asian Pool Federation Ltd) Asian 9-Ball Open tour na ginaganap sa Aspire Recreation Centre sa Singapore, Sabado ng gabi.
Nakamit agad ni Aranas ang 6-0 lead kontra kay Bongay na ang dulot ay para makapasok sa semis at makaduwelo si Naoyuki Oi ng Japan.
Sinipa ni Oi si Anthony Raga, 11-5, para mapurnada ang isang all-Filipino semifinal affair.
Kung papalaring manalo si Aranas ay malaki ang posibilidad na all-Filipino final sa inaugural edition ng torneo matapos manaig si Johann Chua na nakapasok din sa semifinals sa kabilang side ng bracket.
Pinayuko ni Chua si Robbie Capito ng Hong Kong, 11-10, sa quarterfinals.
Makakalaban ni Chua sa Last 4 si Ko Pin Yi ng ChineseTaipei na pinatalsik si Masato Yoshioka ng Japan, 11-4, sa ibang resulta sa quarters.
Sariwa pa ang pagkopo ni Chua sa gold medal sa 9-ball pool competition sa Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam nitong Mayo.
Sa distaff side ay magtutuos sina Rubilen Amit at Chezka Centeno sa quarterfinals matapos manalo sa kani-kanilang nakatunggali.
Iwinasiwas ni Amit si Yuki Hiraguchi ng Japan, 9-3, habang ibinasura ni Centeno si Suvene Ng ng Singapore, 9-3.
Ngunit hindi pinalad makapasok sa susunod an round si Geona Kristine Gregorio.
Si Gregorio, long-time partner ni Cua ay natalo kontra kay Silviana Lu ng Indonesia, 7-9.