ni ROSE NOVENARIO
UMARAY ang sari-sari stores (maliliit na tindahan) sa pagbebenta ng P70/kilo ng asukal ng malalaking supermarket.
Ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association, hindi patas para sa kanilang maliliit na grocery store ang bagsak ng presyo ng malalaking supermart dahil wala namang ayuda sa kanila ang gobyerno.
“‘Yung maliliit na tindahan s’yempre medyo nag-react nang kaunti, bakit sila lang ang puwedeng magkarga ng ganitong halaga. Later we found out, I think sagot nila ‘yun hindi sagot ng gobyerno ‘yung subsidy,” ani Cua sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
Hindi aniya kaya ng small retailers na makipagsabayan sa malalaking supermart kaya ang panawagan niya ay bentahan sila ng washed sugar sa halagang P68/kilo para maipagbili nila ito sa P70/kilo upang hindi na magpunta sa malayo ang mga consumer.
“The small retailers cannot afford that kaya ang hiling namin siguro puwedeng bentahan kami ng washed sugar kahit na at 68 so we can sell at 70 ‘di ba? Wala kaming white sugar at 70 pero merong washed para ang tao di na pumunta ng malayo pa para kumuha ng 70-peso a kilo na sugar,” paliwanag ni Cua.
“It’s unfair playing field kasi s’yempre ‘yung tao ‘uy 70 lang ang asukal, nakatipid tayo agad ng 30 pesos, do’n tayo mamili…” although we understand, this is probably the magic formula ng gobyerno habang wala pa ‘yung importation ng asukal at ‘di pa lumabas lahat ng asukal na lokal na kung meron nga sa hidden warehouses na sinasabi. Since wala pang available, at least napagbigyan ng unting relief for a few at 70 a kilo,” dagdag niya.
Para sa Malacañang, wala silang magagawa sa kasalukuyang sitwasyon ng maliliit na tindahan.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, boluntaryo at pansamantala ang pagbaba ng presyo ng asukal ng malalaking supermart “while supply lasts.”
“Sa ngayon kasi dahil boluntaryo lang naman po iyong pagbaba ng presyo ng mga malalaking supermarket at may limited period po ito. Halimbawa, iyong sa SM – while supplies last lang. So, in this case—pero kasi hindi ko hawak now, pero iyong iba kasi ay may limited period lang talaga sila. So, after that period babalik na tayo kung ano iyong dikta ng market natin. So, if panandalian then we might not need to respond kasi makabebenta sila when the period expires. Pero kung ma-extend ito or the President or iyong masyadong dire iyong magiging effect sa kanila, then magreresponde ang ating gobyerno. Asahan ninyo po,” aniya sa press briefing kahapon.