HARD TALK
ni Pilar Mateo
NAKAALAGWA na sa unang hakbang niya bilang isang mang-aawit ang naging bahagi ng Idol Philippines Season 1 na si Nic Galano.
Naganap ang kanyang mini-concert sa The New Music Box kamakailan kasama ang mga espesyal na panauhin mula sa ARTalent Management ni Doc Art Cruzata.
Pero kahit pa malayo na sa panahon niya ang musika ng Hagibis, sinamahan din siya ng 4th Generation nito para magbigay saya sa mga manonood. YES! Taliwas sa mga nagsasabing peke sila at hindi nag-e-exist, nakita ng mga tao ang endorsement ng yumaong original Hagibis na si Señor Sonny Parsons sa apat na miyembro ng 4th Generation sa guestings nila sa mga programa ng Kapamilya. At nanood pa ang tatayong manager nila na si Mayor Alona Obispo.
Kabado pa si Nic sa spiels niya. Tila overwhelmed. Pero kapag inaawit na niya ang mga kanta, nag-iiba na ang napapanood sa entablado. Na hindi lang memoryado ang mga linya kundi namnam ang kaakibat na emosyon sa mga ito.
Mukhang maganda ang kemistri nila ng bagong miyembro ng ARTalent Management na si Erikamae Salas. Sa rehearsals pa lang nila, nag-swak at nagkasundo na ang dalawa sa mga kanta, pati na sayaw na ginawa nila.
First venture ito ni Doc Art at ng kanyang Queen Eva Salon (na karamihan sa branches ay matatagpuan sa palibot ng Cavite) katuwang ang butihing ina ni Nic na si Dra. Vigilyn.
Nakatuon ngayon ang pansin ni Doc sa kasunod na mas malaking show ni Nic sa bayan nito sa Ilagan, Isabela. Kaya sa Oktubre, niluluto na ang second concert niya.
Inaabangan na ang sariling komposisyon ng binata na may pamagat na Tayong Dalawa sa sari-saring mga music platforms.
At oo, ang mga bagong kantang gagawin para sa kanya ng mga henyo nating kompositor.
Focused sa goal niya to make it in the music industry si Nic. Kaya sumusunod pa rin ito sa paalala ng ina na isaisantabi na muna ang mga bagay na may kinalaman sa pag-ibig.
Paano namang hindi magiging masunurin sa kanyang Mommy Dearest si Nic, ang sorpresa nito sa kanya noong concert niya eh, isang sasakyan. Bilang advanced birthay gift na rin.