HATAWAN
ni Ed de Leon
KINUHA nila si Jerome Ponce sa isang indie film tungkol sa martial law. Walang questions sa parte ni Jerome. Tinanggap niya ang project eh, ginawa naman niya nang mahusay. In fact nominated siyang best actor para sa pelikulang iyon, tinalo nga lang siya ng mismong director ng kanilang pelikula.
Siguro dahil hindi naman siya nanalo, at busy din naman siya, hindi na siya isinama sa mga theater tour at iba pang promo na ginawa sa pelikula. Halos nakalimutan na nga siyang banggitin na kasama sa pelikula eh.
Siguro nagkaroon siya ng bakanteng oras, at nagyaya naman ang kanyang girlfriend, nanood sila ng sine, pero hindi ang pelikula niya ang kanilang pinanood. Baka naman kasi napanood na nila iyon noong ilabas last year. Naipalabas na iyon eh, na-pull out nga lang sa sinehan dahil naglupasay sa takilya. Nagkataong paglabas ng sinehan, nag-selfie sila. Siguro naman bilang souvenir lang iyon ng isang pagkakataon na sila ay magkasama.
Aba nagputok ba naman ang butse ng mga Marites na hindi naman nakaranas ng martial law. Galit na galit at kung ano-ano ang sinabi laban kay Jerome. Tama ba naman iyon? Hindi ba dapat suportahan nga natin ang pelikulang Filipino. Wala namang nagbabawal sa kahit na sinong artista na panoorin ang pelikula ng iba. Hindi ba mas maganda ngang nanonood siya ng pelikulang Filipino, kaysa gawa ng mga Kano, Tsino o mga Koreano?
Walang kuwenta iyang hate campaign na ginagawa ninyo. Tatlumpung taon na tayong puro hate campaign, kaya kita ninyo, hate na tuloy kayo ng ibang tao at kahit na sa eleksiyon isa lang ang lumusot sa inyo. Hanggang sa showbiz ba naman paiiralin pa ninyo ang hate campaign ninyo?
Sa kasong ito, kinakampihan namin si Jerome. Wala siyang ginawang mali.