HATAWAN
ni Ed de Leon
SINABI na namin sa inyo eh, hahataw sa ratings ang serye ni Derrick Monasterio. Isipin ninyo ha, late afternoon ang oras, hindi pa kilala ang leading lady niya, tapos sa intial telecast nakakuha ng 7% share ng audience, aba eh halos prime time ratings na iyan.
Malaking bagay iyong lumabas ang kaseksihan ni Derrick nang maging model siya ng underwear. Nakuha niya halos lahat ng mga babae at bading na fans. Hindi man bumibili ng ineendoso niyang underwear ang mga babae, pinanonood naman siya sa telebisyon. Eh noong araw, makakuha lang sila ng 4% audience share sa ganyang time slot, ipinagyayabang na nila. Iba talaga ang dating ni Derrick.