HATAWAN
ni Ed de Leon
ISANG bagay ang napatunayan natin nitong mga nakaraang araw, hindi na nga yata pinaniniwalaan ng publiko ang mga award, ganoon din ang sinasabi ng mga kritiko. Mukhang masyado na yatang napaso ang mga tao sa hayagang pamumulitika ng mga kritiko sa showbusiness kaya ganoon. Maliwanag naman kung ano ang gusto ng publiko, una ang mapanood ang isang pelikulang makakaaaliw sa kanila. Pangalawa mapanood ang mga gusto nilang artista.
Hindi namin sinasabing maganda ang isang pelikula kaya kumita, pero kung ang mga artista mo ay gaya nina Ruffa Gutierrez, Diego Loyzaga, Cesar Montano, pati pala ang nanay ni Daniel Padilla na si Karla Estrada naroroon, si Elizabeth Oropeza at iba pa, maeengganyo kang manood kaysa naman doon sa isang pelikulang hindi mo kilala ang mga artista. Sabihin mo mang nanalo ng awards, hindi mo pa rin kilala.
Ang buhay ng isang pelikula ay nasa marketing strategy din. Hindi ka maaaring gumawa ng pelikula tapos ay magmamakaawa ka sa mga taong panoorin ang pelikula mo. Alalahanin mo na bawat maawa sa iyo ay malalagasan ng mahigit na P300 at sa ngayon ay hindi madaling kitain iyan. Kaya nga iyon ngang ibang producers, kahit na barya-barya lang ang kita, nagtitiyaga na lang sa internet lalo na’t hindi naman kilala ang kanilang artista. Minsan kilala nga, wala namang fans.
Siguro iyong mga ganyang pelikula na walang sikat na artista, maaaring makipag-tie-up sa anumang produkto na mamimigay ng coupon na maaaring gamitin pampanood ng pelikula nila. Kasi kung aasahan mo lang ang habag ng mga tao para panoorin ang pelikula mo, aba tiyak na uunahin nila ang kanilang sikmura kaysa iyo.
Kalimutan na rin iyang Martial Law subject. Hindi na interesado ang mga tao riyan. Ang dami nang nagawang pelikula tungkol diyan, panahon pa ni Lino Brocka. Kung mga pelikula ni Brocka na ganyan hindi kumita, ngayon pa?