HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG hindi pinansin ng Eat Bulaga ang naging pagbabago sa kalaban nilang It’s Showtime. Ang inilaban lang nila ay isang gay singing contest, laban doon sa “mala-Santracruzang” number ni Vice Ganda.
Hindi rin sila natigatig sa sinasabing nag-trending iyon sa social media, eh hindi pa lumalabas iyong show on the air may comment na ang mga troll eh. At kung totoo iyang trending-trending na iyan sa social media, bakit natalo ang kandidato nilang si Leni?
Siguro ang pinanghawakan na lang ng Eat Bulaga, mas malalaki ang papremyo nila at napapanood sila sa lakas na 150Kw, bukod sa mahigit na 50 relay stations nationwide. Eh ano nga ba ang laban mo kahit simultaneous ka pa sa dalawang estasyon na pareho namang nasa Metro Manila na ang power ay 60Kw lamang, at may iilan lang relay?
Iyang internet, hindi kami naniniwala riyan. Kung totoong milyon na ang nanonood sa kanila sa internet, bakit nagpipilit pa rin silang pumasok sa free tv?