MATAPOS ang mahabang pagtatago ay naaresto ng mga awtoridad ang isang pugante mula sa Nueva Ecija sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Ayon kay Police Colonel Charlie Cabradilla, acting police director ng Bulacan police, naglatag ng manhunt operation ang mga operatiba ng Bulacan 1st PMFC at Jaen Municipal Police Station (MPS) laban sa pugante na nagtatago sa Brgy. San Vicente, San Miguel, Bulacan.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto kay Mario Fernandez Jr. y Hilario, isang poultry helper, residente ng Brgy. Pias, General Tinio, Nueva Ecija at Top 4 Most Wanted Person sa bayan ng Jaen, sa nabanggit na lalawigan.
Ang akusado ay nahaharap sa kasong Rape sa ilalim ng Criminal Case 34106-AF at 34107-AF na inilabas ni Judge Ma. Therese Opiana Basilio, Presiding Judge, Family Court Branch 8, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Dahil sa bigat ng kasong kinakaharap ng suspek sa hukuman ay walang itinakdang piyansa para siya ay makalaya.
Matapos maakusahan ng panggagahasa, ang akusado ay nagtago at nagpalipat-lipat ng lugar hanggang matunton ng mga awtoridad ang kanyang pinagtataguan sa San Miguel, Bulacan. (MICKA BAUTISTA)