Sunday , December 22 2024

Tatlong Pako sa Krus

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

MAY apela sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco, South Premier Power Corporation (SPPC), at ang San Miguel Electric Company (SMEC). Ang apelang ito ay mas magpapabigat pa sa mistulang krus na kasalukuyang pinapasan ng umaabot sa 7.5 milyong subscribers ng Meralco.

Ang apela ay upang pawalan ng bisa ang probisyon ng fixed price para sa koryente sa loob ng power supply agreement (PSA) ng Meralco at suppliers nitong SPPC at SMEC. Ang sinasabing dahilan ay ang pagtaas ng presyo ng krudo.

Ipinagtataka ko, bakit kasama ang Meralco sa apela?

Ang meralco ay katulong pa upang ang mosyon sa ERC na maisantabi ang pinagkasunduang presyo sa kontrata. Magiging daan ito upang makapagtaas ng presyo ang SPPC at SMEC sa supply ng koryente. At ang itataas ng presyo ay kanilang ipapapasan sa mga konsumer?

Ang Meralco ay dapat na unang nangangalaga sa kapakanan ng kanilang 7.5 milyong subscribers. Hindi lamang sa supply kundi maging sa presyo ng koryente.

Dapat lang na ang Meralco ay manindigan sa kanilang suppliers na irespeto at panagutan ang kanilang kasunduang napapaloob sa PSA. Ito ay isang paraan upang manatiling maayos ang kanilang serbisyo at isaalang-alang ang kapakanan ng kanilang milyon-milyong subscribers.

Sa apelang isinusulong, magkatuwang ang Meralco at ang kanyang dalawang suppliers, na tila pinapanigan pa ng Meralco ang suppliers na umuurong sa kanilang nilagdaang obligasyon. Kinakampihan ang mga partidong magiging dahilan sa pagbigat lalo sa pasanin ng mga mamamayan.

Tumataas daw kasi ang presyo ng krudo at gasolina. Tanong ko, bakit, noon bang panahon na ang presyo nito ay nagbabaan, panahong dahil sa PSA ay mas lumaki pa ang kanilang ganansiya, nag-apela din ba sila sa ERC na ipawalang bisa ang PSA para pababain naman ang presyo ng isinu-supply na koryente? Bilang malasakit na rin nila sa mga konsumer ng meralco?

Kapag dagdag ganansiya, panghahawakan ang PSA, mas malaking kita nga naman. Kapag mababawasan naman ang kita pero hindi naman mawawalan, aba, mag-aapela! Para bang sinasabing bahala na ang mga mamamayang pumasan ng dagdag bigat, basta kami, negosyo lamang, ganansiyang malaki at garantisado lagi dapat.

Kung tutuusin, mataas nga ang presyo ng krudo at gasolina ngayon. Puwede namang ang pansalo nila rito ay iyong malaking dagdag kita nila noong mga panahong mababa naman ang presyo nito. Kalabisan bang maituturing kung ang mga kompanyang ito ay makipasan din sa bigat ng mga pasanin ng mga mamamayan sa ganitong panahon? Kanilang ituring na ang pagliit ng kita ay ang kanilang makabayang ambag sa kasalukuyang adhikaing sama-samang pagbangon ng bagong administrasyon? Hindi ba malaking kompanya ang San Miguel, na may-ari ng SMEC at SPPC, at maraming iba pang mga negosyo at kontrata na malusog ang ganansiya?

Sang-ayon ako sa mga panawagan sa ERC na huwag pahintulutan ang mosyong inihahain ng ‘tatlong pako.’ Panahon ito na mas dapat palakasin ng ERC ang mandatong pagproteksiyon ng mga mamamayan sa mga mapanamantalang kompanya ng enerhiya.

Meralco-SPPC-SMEC, ang tatlong pakong magpapako sa mga konsumer sa pabibigatin pang pasaning krus ng mga Filipino.

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …