Sa paglulunsad ng ‘One Time Big Time’ ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) ay naaresto ng mga awtoridad ang tatlong ‘Most Wanted Persons’ sa lalawigan kamakalawa.
Ayon kay Police Colonel Jess B. Mendez, acting provincial director ng NEPPO, ang mga elemento ng Carranglan Municipal Police Station (MPS) ay naglatag ng Manhunt Charlie Operation na nagresulta sa pagkaaresto ni Renato Ancheta y Perez, 19, residente ng Brgy. San Agustin, San Jose City at nakatala bilang Top 3 Municipal Most Wanted Person sa Carranglan, N.E.
Sumunod na naaresto ng mga elemento ng San Antonio Municipal Police Station (MPS) si Adrian Canete y Du, 40, na residente ng Brgy. San Mariano, San Antonio, N.E.
Ang akusado ay arestado sa bisa ng Warrants of Arrest para sa kasong Rape na walang itinakdang piyansa, at Robbery with Intimidation of Person.
Naglatag din ang mga elemento ng Jaen Municipal Police Station (MPS) ng kahalintulad na operasyon na nagresulta sa pagkaaresto ni Edmar Gaspar y Pili, 40-anyos, na residente ng Brgy. Sapang, Jaen, N.E at nakatala bilang Top 4 Sibat Municipal Most Wanted Person, sa bisa ng Warrant of Arrest sa paglabag sa Sections 11 at 12, Art. 2 ng RA 9165. (MICKA BAUTISTA)