ni GLEN SIBONGA
KABILANG sa celebrities na hayagang sumuporta kina President Ferdinand Marcos Jr. at Vice-President Sara Duterte noong panahon ng kampanya si Randy Santiago.
Kaya naman nang ma-interview namin si Randy noong July 9 sa grand caravan at mall show sa Vistamall Taguig ng hino-host niyang Sing Galing Kids ay natanong namin siya kung magkakaroon ba siya ng posisyon sa gobyerno ngayong nahalal at nakaupo na sina PBBM at VP Sara?
“Naku, wala, wala!” bulalas ni Randy. “Hindi naman tayo humihingi. As long as we can serve the people in our own little way.”
Paano kung sakaling alukin siya mismo ni PBBM lalo na kung may kinalaman naman sa entertainment?
“Siguro as long as hindi maaapektuhan ‘yung pagtatrabaho ko ngayon. Kasi ‘pag kinuha na ko, baka hindi na ako pwede sa ganito, ‘di ba? Baka mahirap na,” paliwanag ni Randy.
Priority nga ni Randy sa ngayon ang kanyang trabaho sa TV5 bilang isa sa Sing Masters ng Sing Galing Kids kasama sina K Brosas at Donita Nose.
Very thankful nga si Randy sa TV5 at Cignal dahil simula noong regular edition ng Sing Galing hanggang sa celebrity edition at ngayon sa kids edition ay tuloy-tuloy ang kanyang trabaho bilang host at sing master ng show.
“Unang-unang ibinigay sa akin ng ‘Sing Galing’ ay ‘yung tiwala ng network na kahit pandemya ay nagbibigay sila ng kasiyahan sa mga manonood sa bawat tahanan. Kasagsagan kasi ng pandemya noong binuo ang ‘Sing Galing’ eh. Pero hindi sila natakot at binuo nga ‘yung cast ng ‘Sing Galing’ and that was more than a year ago. So, ‘yung tiwala pong ibinigay sa amin ang pinanghahawakan namin. Kaya ‘yung energy na ibinibigay namin ay talagang 100 percent o more than pa. Siguro ganoon din ang masasabi ng aking mga kasamahan when it comes to working. Pati ‘yung attitude po namin, ‘yung pagsasamahan po, napakasarap po,” sabi ni Randy.
Siyempre ngayong mga bata ang contestants sa Sing Galing Kids, aminado si Randy na nag-adjust din sila ng hosting style kompara sa mga naunang edisyon ng show. Malaking tulong ‘yung naging karanasan niya noon sa pagho-host lalo ng noontime shows na nagkaroon din ng segments at contests para sa mga bata.
“Sa 35 years ko sa industry kasama ‘yung paghu-host sa ‘Lunch Date,’ ‘SST,’ ‘MTB’… marami po tayong nakasamang mga bata. Parang tatay ang role natin ngayon sa kanila. And of course ‘yung choice of words very careful tayo ngayon talaga. Parang tatay o mas ninong ang dating ko ngayon,” ani Randy.
Natapos na nila ang audition process at talagang bumilib si Randy sa talento ng mga bata na umabante sa susunod na rounds. Kaya talagang kaabang-abang at dapat panoorin ang husay sa pag-awit ng mga kabataang Pinoy.
Tampok naman bilang Sing Galing Kids Jukebosses ang mga kilala at talentadong OPM artists na sina Fearless Diva Jona, Hip-Hop Superstar Gloc-9, Asia’s Phoenix Morissette, Champion Diva na si Ethel Booba, at OPM Legend Rey Valera.
Makakasama rin ang Sing Galing mascot na si Genie pati ang Digiverse Master na si Zendee at ang mga cute at bibong Junior Singtokers na sina Yoyo at Tyronia. Kasali rin sa saya ang Sing Galing Ultimate Bida-oke grand champion na si Mari Mar Tua kasama si Queenay bilang mga “Arkidia Ates” na makikipag-chikahan sa mga chikiting na contestants.
Huwag palampasin ang premiere ng Sing Galing Kids ngayong Sabado, Hulyo 16, 6:00 p.m. sa TV5. Sabay-sabay nating tuklasin kung sino sa mga batang contestants ang mananaig ang husay ng boses para maging susunod na videoke champion ng TV5.