AAKYAT muli sa ring ang ‘living legend’ at ‘all-time great’ Manny Pacquiao sa Disyembre.
Pumayag para sa isang exhibition bout si Pacquiao para harapin si South Korean martial artist DK Yoo. Nakatakdang pumirma ng kontrata ang dalawa bago matapos ang buwan. Inanunsiyo na ni Yoo ang nasabing bakbakan sa kanyang YouTube channel.
“I have told you I will fight against one of the best fighters in the world. I tell you right now who my next opponent [will be]. I’m going to fight against Manny Pacquiao,” pahayag ni Yoo sa kanyang YouTube channel na may 65,000 subscribers.
May sagot si Pacquiao sa pahayag na iyon ni Yoo.
“DK Yoo, see you in the special event this coming December. God bless you and be safe.”
Ang exhibition bout ng dalawang fighters ay mangyayari sa South Korea. Ang detalye ng kanilang paghaharap ay inaayos na, katulad ng haba ng kanilang laban, ang timbang, lugar ng pagdadausan ng laban, at sukat ng gloves, etc.
Pinalalawig ni Yoo ang kasikatan ng kanyang sariling martial arts na pinangalanang ‘Welfare Traning System,’ at meron siyang mga seminars para ituro ang art. Ang labang Pacquiao-Yoo ay tinaguriang ‘Boxer vs. Meditator.’
Huling lumaban si Pacquiao, 44, noong Agosto ng nakaraang taon na kung saan ay natalo siya kay Yordenis Ugas via unanimous decision. Pagkaraang hindi siya pinalad sa kanyang kandidatura para sa pagka-presidente, meron na agad na ugung-ugong na magbabalik ang eight-division champion sa ring para lumabang muli.
Nagpauna na ang promoter ng nasabing event na bibigyan nila ng kasiyahan ang mga manonood na tipong kakaiba ito kumpara sa mga nangyaring exhibition bouts.
Ang exhibition event ay ipalalabas sa pay-per-view.