UMAMIN ang suspek sa mga awtoridad sa ginawang pagpatay sa dalagang engineer sa Malolos City, Bulacan nitong nakaraang 2 Hulyo.
Ayon kay P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng Malolos City Police Station (CPS), inamin ng suspek na si Darwin Hernandez De Jesus ang krimen sa kanyang pinanumpaang salaysay.
Dagdag ni Germino, lasing ang akusado nang isagawa ang krimen sa biktimang si Princess Dianne Dayor, 24 anyos, isang industrial engineer, na taga-Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Napag-alamang pagnanakaw ang motibo ng akusado kaya nang halughugin ang tinutuluyang bahay nito ay nakuha ang ilang gamit ng biktima, ilang ID at ang kanyang ATM card.
Narekober ang cellphone ng biktima, isang iPhone 11, sa isang stall owner sa palengke sa Malolos City kung saan ibinenta ng akusado sa halagang P3,000.
Matatandaang natagpuang patay si Dayor noong 5 Hulyo sa isang masukal na lugar sa sapa sa boundary ng Tabang, Guiguinto at Tikay, Malolos City.
Nasa kustodiya ngayon ng Malolos MPS si De Jesus na nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang robbery-homicide. (MICKA BAUTISTA)